‘Wag asahan ang tuwid na pag-iisip sa susunod na sanaysay; isa itong rant.
Sa aking pamamalagi sa Alemanya ay natural lamang na pinag-aaralan ko ang kanilang wika. Kasama sa aming klase ang pag-uulat ukol sa sariling bansa. Bago ko pa maisipang simulan ang aking ulat, siguro dahil na rin sa pangungulila sa mga mahal sa buhay, ay naramdaman ko talagang isang napakagandang lugar ang Pilipinas. Noon ikinatatakot ko na kapag tanungin ako kung ano ang ipinagmamalaki ko tungkol sa Pilipinas ay wala akong maisagot. Madalas kong napag-iisipan iyon simula noong dumating ako rito sa Alemanya.
Ano nga bang maipagmamalaki natin bilang mga Pilipino? Anong meron tayong wala sa iba? Nakita ko kasi ang kagandahan ng ibang mga bansa—mayroon din ba tayo noon? Ano ang masasabing tatak Pilipino talaga? Meron nga ba, takot kong tinanong.
Hindi ko pa talaga naiikot ang mundo, at masakit mang aminin hindi ko rin pa nasusuyod ang Pilipinas. Ngunit sa maikling panahong napunta ako sa ibang lugar, kagulat-gulat man, doon ko nakilala ang bansa natin. Sa ngayon hindi pa rin talaga ako nakakalabas ng Alemanya—ngunit naniniwala akong sapat na ang aking karanasan sa ibang bansa upang masabi ang ilang mga bagay na sasabihin ko.
Ang ibang mga bansa’y masasabi nating sikat na talaga. Ang Pilipinas kasi, hindi. Kapag tinanong mo ang kahit isang Aleman sa kalye[1] ay malamang alam nila kung saan ang Thailand. Ayun, sikat sa kanila iyon. Pero kung tanungin mo kung ano ang Pilipinas, malamang sa malamang, hindi nila alam. Kung may maisagot man sila tungkol sa Pilipinas, malamang dahil lang iyon sa pagiging matunog natin nitong mga nakaraang buwan[2]. At hindi naman iyon ang gugustuhin mong malaman nila, ‘di ba?
Mabalik sa punto ko. Kahit ang pinakasikat nating baybaying-dagat, malamang sa malamang tanging mga gala lang talaga ang nakakaalam. Hindi siya tipong instant recognition tulad ng Phuket o Tokyo. Ang problema pa, naunahan na tayo ng ibang bansa. Ang ibig kong sabihin e, may mga ganung baybaying dagat din naman sa ibang bansa. Ano nalang ang natira sa’tin, kung gayon? At ayun na nga’t nadala muli tayo sa pinakaugat na tanong—ano nga ba ang tatak Pinoy? Kung titignan ang mga balitang lumalabas kamakailan lang ukol sa Pilipinas, parang ayokong tanggapin na ang mga bagay na magpapasikat sa’tin ay iyong mga kaguluha’t mga katarantaduhan ng iilang tao. Kung hahanapin ang “wow Philippines” sa Youtube at papanuorin ang unang resultang lalabas, makikitang isang magandang patalastas naman ito. Hindi ako sigurado kung gawa nga ito ng Wow Philippines o hindi. Natuwa nga ako sa katunayan. Ngunit kung titignan ang nasa baba, may isang komento na talaga namang nakasakit sa’kin. Sabi niya,
What makes the Philippines more…what? LOL
You’re the worst country in the whole world. Killing 30 journalists in one day? Still in a democracy ? you fools.
Nalungkot ako kasi sa totoo lang, hindi naman lahat ng Pilipino tarantado. At sa totoo lang, doon ko nakita kung anong sagot sa tinatanong ko kanina pa. Tao. Tao ang tatak ng Pilipinas. Para sa’kin wala nang mas sasarap pang makasama ang Pilipino. Siguro nga tama ang taong ito. Siguro nga baliw ang mga Pilipino. Baliw tayo sa napakaraming aspeto. Baliw tayo para manatili sa isang lugar na napakainit, na napakarumi, na napakaraming pagkakagulo, na napakahirap, na napakadelikado, na pumapatay ng tatlumpung miyembro ng media sa isang araw. Oo, dito kami nakatirang mga baliw. Baliw na nga siguro ang tawag sa mga taong may pag-asa. Dito sa Pilipinas nga siguro nakatira ang mga taong marunong mag-alaga. Siguro kami nga iyong tinutukoy na baliw na Masaya pa rin kahit nagkandaleche-leche na ang buhay. Pilipino nga siguro ang tawag sa mga baliw na nagpapakain sa mga hindi nila kilala, maski piyesta o pipiranggot lang ang hapunan. Sa Pilipinas nga siguro nakatira ang mga pinakabaliw na tao sa mundo. At applepicker71, ‘di ako nahihiyang sabihin Pilipino nga ako.
Hindi ko sinasabing dapat tayong manatiling bulag sa mga pagkakamali natin. Pero ang punto ko lang e, ito ang tatak Pilipino. Dahil sa totoo lang e may kakayahan naman tayong gawin ang kahit anong gusto nating gawin. Napaka-flexible nating mga tao. Kung kaya nating tiisin ang ganitong hirap, sisiw nalang ang matutong umayos. Kaya naman nating gawin ‘pag nasa ibang bansa tayo e. Kung huhugutin lang natin itong lakas na meron tayong mga baliw na Pilipino, ‘di malabong may baliw na makapagpatuwid sa mga utak natin. ‘Di malayong may isang pagkabaliw-baliw na mungkahi ang mabuo na ang buong sangkabaliwan ay sa wakas susunod. Kaya sa tingin ko sa ngayon ayos lang na baliw kami. Naghihintay lang kami ng tamang panahong ikaw naman ang mapagmatahan.
[1] Tunog tagakanto, hindi ba? Pero malinis ang mga kalye nila rito, at bihira makakita ng mga palaboy kaya’t ang tinutukoy ko rito ay iyong mga nakapag-aral o kahit may kaunting relasyon naman sa mundo.
[2] Ondoy at iyong massacre na naganap