Sa huling mga araw bago ang eleksyon aaminin ko, hindi pa buo ang aking listaha’t loob sa mga iboboto. Ngunit ngayong umaga tumibay ang aking paniniwalang si Gibo ang iboboto ko. Hindi ako magbibigay ng credentials niya, hindi ako magbibigay ng mga impormadong komento sa ngayon—naniniwala akong marami nang iba pang mga lugar na mapagbabasahan ninyo ng mga iyon at dahil na rin sa hindi ako ang tamang tao para gawin iyon. Ang isusulat ko ngayon ay ang aking nararamdaman. Gut feel. Dahil pagkatapos ng lahat ng ating pagbabasa, pakikinig, panonood at pagmamasid sa mga tumatakbo, hindi natin alam kung alin ang totoo’t alin ang loko-loko lang. Dahil sa huli ang tanging natitira nating gawin ay magdasal, makinig sa katahimikan sa loob ng ating sarili’t makiramdam. ‘Wag niyo akong iquoquote rito, sadyang word vomit at pagmumuni lamang ang mangyayari. Pwedeng dito palang ‘wag mo na’kong samahan.
*
Dalawang kakayanan ang sa tingin ko kailangan ng isang mahusay na pinuno. Ito’y ang kakayanang isulong ang bayan sa isang malinaw, makakamit at kongkretong sitwasyon na mas mabuti naman talaga sa ngayon, at ang kakayanang lipunin ang tao tungo sa hangaring ito. Kung sa kakonkretuhan lang ng nais tunguhan panalo na si Gibo sa’kin. Kung sa kakayanang maglipon ng tao, si Noynoy na ang iboboto ko. Matapos ang pangunang pagmumuni si Gibo na ang lumabas na iboboto ko ngunit nang makita ko ang dami ng taong tumatangkilik talaga sa ipinaglalaban ni Noynoy (sa araw ng dilaw), napaalalahanan ako sa isa pang hinahanap ko sa pinuno.
Kaya naman isang linggo bago mag-eleksyon e maski ang posisyon sa pagkapresidente ay naging blangko—hanggang mapagtibay ang nauna kong pinili. Gibo na’ko. Gibo ako dahil naniniwala akong mas titino ang Pilipinas kung nirerespeto ang pinuno nito at hindi pinagtatawanan. Gibo ako dahil naniniwala ako sa pangulong hindi para sa hidwaa’t pagkakahati ngunit sa pinagkaisang pamumuno. Gibo ako dahil pagod na’kong sa araw-araw na ginawa ng Diyos para magtrabaho ang mga pulitiko puro bangayan ang nagaganap kaya hinahanap ko ang pinunong kayang indain ang mga ganoo’t ibaling ang pansin sa mga mas mahalagang bagay. Gibo ako dahil sa tingin ko sa kanyang pamumuno hindi kinakailangan ng kung anong pamilyang pinagmulan. Gibo ako dahil naniniwala akong sa tiwalang sumasaling sa matibay na basehan. Gibo ako dahil naniniwala’t umaasa ako sa kanya—isang bagay na nakakakaba palang gawin dahil kung buong puso ang pagboto parang sobrang tiwala talaga ang inilalagay mo sa tao at masakit matraydor, masakit magkamali, masakit mabigo. Gibo, sana ‘di ako mabigo.
P.S. Ang inendorso ng Iglesia ni Cristo ay si Noynoy at Mar.
P.P.S. Sana sa bagong administrasyon, sinuman ang manalo, mababago na ang tags ko rito–’di na poly-ticking.


alyson said,
May 6, 2010 at 21:25
buong loob kong rinerespeto ang iyong pananaw at natutuwa akong pinag-isipan mo talaga ang pinili mo. Ngunit nararamdaman kong kailangan ko lang sabihin ang aking sinasaloob.
Hindi ko lang talaga matanggap nang minsang sabihin ni Gibo sa telebisyon na hindi niya kayang “awayin” ang among nagpalaki at nag-aruga sa akin (nakalimutan ko na ang salitang nagamit noon)
basille said,
May 6, 2010 at 21:28
aw nalungkot ako rito. sana alam ko kung anong context at rason nya kung bakit nya sinabi yon. ><
alyson said,
May 6, 2010 at 21:42
ayaw ko na magreply dito! ang hirap mag straight tagalog! =))
basille said,
May 6, 2010 at 21:43
pwede naman mag-inggles!
)
alyson said,
June 1, 2010 at 22:55
wala na bang bagong update?